Nagawi ako sa isang blog na naging inspirasyon ko na sumulat sa Tagalog. Gustong-gusto ko noon pa na sumulat sa Tagalog ngunit lagi kong nakakaligtaan. Masyado naman kasing mahaba kapag itinagalog ko pero ngayon susubukan ko para naman maski isang beses lang sa tanang buhay ko bilang blogger ay maranasan kong ‘di dumugo ang ilong ko.
Parang kailan lang, sakay kami ng isang trak mula sa Davao patungo dito sa bayan na naging tahanan namin sa mahigit isang taon. Ika-2 noon ng Mayo taong 2008. Isang taon na pala mula noong nadiskrube kong nawawala pala ang isang paa ng mesang plastik ni Ella. ‘Di ko alam kung paano ito iniayos ni Donald sa likod ng trak, ang sabi niya iyong binatang kasama nung drayber ang siyang pinag-abutan niya….ay ewan basta ang alam ko inilipad ito ng hangin at sa sama ng loob ko napaiyak ako dahil heler….wala kaya kaming datung para ipambili ng bagong mesa. Wala ring kalaman-laman ang bahay na dinatnan namin kundi ang isang gahiganteng mesa na kung kumakain kay parang nakatingala ka sa langit. Eh hindi naman din pwedeng paa niya ang ikakabit ko sa mesang plastic ‘di ba? Mahal na mahal ni Ella ‘yong mesang ‘yon at mula pa noong mahigit isang taon pa lang siya ay kasama na niya ito. Nasa daan pa lang kami noon iniisip kong ang mesang ‘yon ang mesang pagsusulatan at pagdro-drowingan ni Ella. Dito din siya kakain o kaya kaming tatlo gaya nung nasa maliit naming kuwarto sa Davao pa kami. Mag lilimang taon na siya nung naghiwalay sila at ewan bakit ako ang masyadong apektado. hahahaha!
Unang linggo namin dito maraming beses nawalan ng kuryente ng mahigit 20 oras. Kakaloka! Natutulog kami ng napakaaga kasama ang kandila, katol at mga barairong na lumilipad at bumubunggo sa kisame at dingding. Hinuhuli namin ang mga ito at itinatapon sa bintana ngunit nakakapasok sila uli kaya ang ginawa namin ay nilalaglag namin sila sa arinola. Nalulunod sa ihi ang byuti nila! hahahaha!
Isang taon na rin pala mula nung makilala namin ang mga nakakalokang mga kapitbahay. Sabi ng kanilang mabait na tiyo na magkakagulo ang simbahan dahil naging miyembro na ang mga kambing, este kanyang mga pamangkin. Hindi na ata matatapos ang giyera ng tatlong ire. Para kasi silang US, Japan at Philippines. Nagkampihan ang US at Philippines para talunin si Japan. hahahaha! Ewan ko ba kung bakit sila nag-aaway away eh magkakapatid naman sila. Natural lang sa magkakapatid ang nag-iiringan pero ibang klase itong giyera ng mga kapitbahay ko dahil sa gitna ng krisis, walang bumababa sa kanyang trono. Hamakin mo matapos silang bahain (na halos lumunod ng kanilang mga alagang baboy) at matapos halos masunog ang mga kanilang mga bahay nung nagkasunog sa tabing bahay noong isang linggo…..hayun, nag-iisnaban pa rin at halos ayaw makita ang isa’t isa. Hay ewan, sa dinami dami ba kasi ng pwede nilang pagkaabalahan kung bakit naman kasi tsismis pa ang paborito nilang libangan. Hamakin mo habang nagtatanim o nag-aani sila ng palay ay putak din sila ng putak. Di ba nakakapod ‘yun? Multi tasking ‘yun eh. hahahaha! Ang alam ko ang tsismis nagiging ahas ang bulate, pero ibang klase itong mga ito dahil ang bulate hindi lang nagiging ahas kundi nagiging isang daang ahas. O ha, laban ka? Kaya tuloy nasuntok sa mukha ng isang malaking lalake ang isa sa kanila sa sobrang galit at di pa rin natuto. Hay ewan!
Isang taon na rin pala kaming naliligo ng tubig mula sa gripo na amoy pinaghalong kalawang at putik. Nagtataka ang mga tao kung paano kaming nakakatiis sa ganito kabahong tubig. Aba ewan ko, mukhang nasanay na ako dahil sa simula’t sapol wala kaming magawa. Bahala na kung amoy kalawang at putik ang panligo, babawi na lang sa sabon at lotion. hahahaha!
Isang taon na ring sumasakit ang ulo ko sa katitingin sa naninilaw na puting damit namin. Sa wakas may solusyon na dahil kung hindi, talagang lalayas ako sa lugar na ito. Bahalang may kamahalan ang tubig mula sa nagrarasyon, ito ang ipinaglaba ko sa mga puti noong isang araw…samahan ng konting oxalic acid at presto, bumalik ang dating puti!
Isang taon na rin kaming nagtitiis sa presyo ng mga gulay, rekado, prutas, karne at isda! Susme, para kang nasa Maynila dito sa taas ng presyo. At ‘di lang ‘yun, walang matinong bagoong dito kaya sa aking bayang sinilangan pa ako kumukuha na mahigit anim na oras lang naman ang layo mula dito kapag sakay ka sa sarili mong sasakyan. Kapag nag bus ka, wag ka na magtaka kung abutin ka ng sampung oras.
Ang dami ng nangyari sa loob ng isang taon at malaking pasasalamat ko sa aking blog dahil dito ko naisusulat ang lahat ng mga alaala. Parang kailan lang tatlo pa lang kami…matapos ang isang taon at maraming ngiti at luha, naging apat na kami. Huwag naman sana kaming maging lima sa susunod na taon. hahahaha!








Leave a comment